TRANSCRIPTS of Episodes 1-5
Podcasts available at https://itunes.apple.com/ph/
Episode 1 – Maligayang pakikinig kay Endocrine Witch!
Maligayang pakikinig sa aking unang podcast episode! Ito po si Endocrine Witch aka Dr. Iris Thiele Isip Tan, isang internist-endocrinologist. Ang website ko po ay nasa www.endocrine-witch.net. Yes, tama po ang narinig ninyo witch – bruha! Ang spelling po ng endocrine ay E-N-D-O-C-R-I-N-E. Ang Twitter handle ko po ay endocrine UNDERSCORE witch. Nasa Facebook din po ako www.facebook.com/EndocrineWitch. Happy Diabetes Awareness Week! Inilunsad ko po ang podcast series na ito tungkol sa diabetes sa aking pakikiisa sa Diabetes Awareness Week, at bilang personal na kontribusyon sa aking medical society, ang Philippine Society of Endocrinology & Metabolism. Ang tagline po namin ay Filipino endocrinologists serving the Filipino people.
Sa pamamagitan ng podcast series na ito, nais ko pong makatulong sa mga Pilipinong may diabetes o dun sa mga kababayan natin na nangangalaga sa mga taong may diabetes. Ang mga pahayag sa podcast series na ito ay pangdagdag impormasyon lamang at hindi maaaring ipalit sa payo ng inyong doktor o gamitin para makasuri o makagamot ng kahit na anong simtoma, karamdaman o kondisyon. Hinihimok ko kayong ipagbigay alam ang ano mang impormasyon na matututunan ninyo dito sa podcast series sa inyong doktor. Wala akong tinatanggap na pananagutan sa ano mang pinsalang maaaring matamo nang dahil sa pakikinig sa podcast series na ito.
Episode 2 – Ano ang diabetes?
Diabetes, ano nga ba ito? Ang diabetes ay isang karamdaman kung saan mataas ang asukal sa dugo.
Paano ba nangyayari ito? Kung tayo ay kumakain ng pagkaing tinatawag na CARBOHYDRATES, tinutunaw ito ng katawan upang maging glucose.Ang glucose ay asukal. Kabilang sa mga pagkaing nakagrupo sa Carbohydrates ay ang tinapay, kanin, prutas at gatas.
Ano ang nangyayari sa glucose o asukal na galing sa carbohydrates? Naglalabas ang pancreas o lapay, isang bahagi ng ating katawan na nasa likod ng tiyan o stomach ng isang hormone na tinatawag na insulin.
Ano naman ang ginagawa ng insulin? Ang insulin ay pumupunta sa daluyan ng dugo o bloodstream upang palipatin ang asukal na galing sa pagkain na nasa dugo papunta sa mga selyula o cells ng katawan kung saan ito ay nagiging enerhiya. Kailangan ng tao ng enerhiya upang mabuhay!
Ang taong may diabetes ay maaaring walang insulin, kulang sa insulin o ang insulin na galing sa lapay ay hindi gumagana ng maayos. Dahil dito, hindi nakakapasok ang asukal na nasa dugo patungo sa selyula o cells ng katawan kaya mataas ang asukal sa dugo ng mga taong may diabetes.
Episode 3 – Ano ang mga uri ng diabetes?
Malimit akong natatanong sa klinika, ilang uri ba ang sakit na diabetes. May tatlong uri nito. Type 1 diabetes. Type 2 diabetes. At gestational diabetes o diabetes habang buntis.
Ang type 1 diabetes ang uri ng diabetes na malimit nakikita sa mga bata ngunit maaaring makita ito sa anumang edad. Dito sa Pilipinas, ang mang-aawit na si Gary Valenciano marahil ang pinakasikat na Pilipino na may type 1 diabetes.
Sa type 1 diabetes, nasisira ang mga cells o selyula sa pancreas o lapay na siyang gumagawa ng insulin. Dahil dito, hindi nakagagawa ng hormone na insulin ang lapay. Kung walang insulin, hindi nakakapasok ang asukal na nasa dugo patungo sa selyula o cells ng katawan kaya mataas ang asukal sa dugo ng mga taong may type 1 diabetes. Ang mga may type 1 diabetes ay nangangailangang mag-iniksyon ng insulin upang mabuhay. Hindi epektibo ang tabletang pangdiabetes para sa mga type 1 na diabetiko.
Ang type 2 diabetes ang uri ng diabetes na karaniwang nakikita sa mga tao na mahigit sa kuwarenta anyos ang edad, pero dumadami na rin ang mga kabataan na nagkakaroon nito. Ang kakulangan sa ehersisyo at pagtaba dahil sa di wastong pagkain ang mga nagiging dahilan upang magkaroon ng insulin resistance. Kung may insulin resistance, hindi magamit ng katawan nang wasto ang insulin kaya tumataas ang asukal sa dugo ng mga taong may type 2 diabetes. Maaaring uminom ng tabletang pang-diabetes o mag-iniksyon ng insulin ang mga taong may type 2 diabetes.
Ang ikatlong uri ay ang gestational diabetes o diabetes habang nagbubuntis. Karaniwang nawawala ang gestational diabetes matapos maisilang ng ina ang sanggol. Ang lahat ng mga Pilipinang nagbubuntis ay dapat magpasuri ng asukal sa dugo mula ika-anim hanggang ika-pitong buwan ng pagdadalantao upang malaman kung may gestational diabetes.
Episode 4 – Ano ang mga sintomas ng diabetes?
Ano ang mga sintomas ng diabetes? Anu-ano ang mga nararamdaman ng mga taong may mataas na asukal sa dugo?
Madalas na pag-ihi, araw at gabi.
Labis na pagkauhaw o panunuyo ng bibig o lalamunan.
Madaling mapagod o parang kulang ang lakas parati.
Panlalabo ng paningin. Malimit na pagpapalit ng grado ng salamin sa mata.
Mabagal na paggaling ng sugat.
Impeksyon sa ihi o balat.
Pamamanhid ng paa, parang kinikiliti o namimitig ang paa. May pakiramdam na parang tinutusok ang mga daliri sa paa o parang may langgam na lumalakad sa paa kahit wala.
Nangangati ang balat. At sa mga babae, maaari ding makati ang puwerta.
Kung mayroon ka ng isa o higit pa sa mga sintomas na ito, sumangguni kaagad sa isang doktor.
Kung wala ka ng kahit alin man sa mga nabanggit na sintomas, kailangan pa ring magpasuri ng asukal sa dugo kung ikaw ay kuwarenta anyos na pataas.
Episode 5 – Nanganganib ka bang magkaroon ng diabetes?
Nangaganib ka bang magkaroon ng diabetes? Dapat ka na bang magpatingin sa doktor? O sumailalim ng pagsusuri ng asukal sa dugo?
Una, ilang taon ka na ba? Kung ikaw ay kuwarenta anyos na pataas, kailangan nang sumailalim sa pagsusuri ng asukal sa dugo. Sa ganitong edad kadalasang natutuklasan ang diabetes. Maaaring magpasuri ng dugo para malaman kung may diabetes nang mas maaga sa kuwarenta anyos kung ikaw ay mayroong mga risk factors o mga mapanganib na palatandaan tulad ng …
Pagkakaroon ng borderline diabetes o resulta ng pagsusuri ng asukal sa dugo na bahagya lamang na mas mataas sa normal na resulta. Ang pagkakaroon ng gestational diabetes o diabetes ng pagbubunti sa mga babaeng nagka-anak na.
Mga babaeng nagsilang ng mga sanggol na ang timbang ay higit sa walong libra, dahil malamang na may diabetes ng pagbubuntis ang mga ito. Mga kababaihan na may PCOS o polycystic ovary syndrome na kadalasang natatagpuan sa mga babaeng hindi regular ang menstruation o buwanang dalaw.
Mga kalalakihan na may waistline na higit sa 90 centimeters o 35 inches. Mga kababaihan na may waistline na higit sa 80 centimeters o 31 inches.
May magulang o kapatid na may diabetes. Mga taong kulang sa ehersisyo. Mga taong mataba o labis sa dapat ang timbang.
Ang mga taong may alta presyon o blood pressure na 140 over 90 pataas. Ang mga taong may bara sa mga ugat ng mga paa o ugat ng puso o yung mga nagkaroon na ng atake sa puso o stroke.
Ang mga taong may acanthosis nigricans o pagkapal at pag-itim ng mga balat sa batok, leeg o kilikili. Ito ay senyales ng insulin resistance.
Ang mga may schizophrenia, isang karamdaman sa pag-iisip. O ang mga taong may mababang HDL o good cholesterol o mataas na triglycerides kung nagpacheck ng cholesterol sa dugo.
Kung mayroon ka ng isa o higit pa sa mga mapanganib na palatandaan na ito, sumangguni kaagad sa isang doktor.
Buntis ako 8months. Sinyales ba ang matubig na pagbubuntis sa diabetes? Plus help me….
Ibig mo bang sabihin ay polyhydramnios? O maraming amniotic fluid (tubig na nakapaligid sa bata sa loob ng bahay bata o uterus)? Ang polyhydramnios ay maraming puwedeng dahilan. Isang dahilan ang diabetes. Magtanong sa inyong doktor ukol dito.
Buntis po ako nang 7mos nadiagnose po ako na may overtd diabetic pero ngayon po 85 nalang ung sugar ko pag nagpapatest ako or 95 b4 po ako mag almusal mataas pa po ba un?
Ang goals para blood sugar ng buntis na may diabetes ay 95 mg/dL pababa bago kumain, 140 mg/dL pababa isang oras pagkatapos kumain at 120 mg/dL pababa dalawang oras pagkatapos kumain. http://www.dce.org/publications/on-the-cutting-edge/incorporating-the-new-dietary-guidelines/
Possible po ba na magma diabetes ang 9yrs old? Sobrang dalas umihi po kc lalo na bago matulog as in every 20secs ata. Nag wewet bed din po. Pro kapag nagkasugat nman sya gumagaling agad.
Possibleng magkadiabetes ang mga bata at may dalawang types – Type 1 at Type 2. Ang malimit na pag-ihi ay isa sa simtomas. Ngunit marami pang ibang puwedeng explanation din para sa malimit na pag-ihi. Ang paggaling ng sugat ay hindi nangangahulugan na walang diabetes ang isang tao. Marapat na sumangguni sa doktor para makasigurado. Karagdagang impormasyon ukol sa Type 2 diabetes sa bata dito http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-2-diabetes-in-children/basics/symptoms/con-20030124 at Type 1 diabetes naman dito http://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-1-diabetes-in-children/basics/symptoms/con-20029197.
Im 8 mons.pregnant.. Nung 6mons. Pa lang tyan q mataas ang sugar q.. Pero after after diet hanggang ngayon naging normal naman ang sugar q 85 83 minsan 70 nga lang ang sugar q.. Kapag na maintain ku laging normal sugar q di ba aq at ang baby ku nanganganib.. At babalik ba sa normal ang sugar q kapag nanganak na aq.. Tnx in advance..
Opo mas maganda ang blood sugar result ninyo ay lesser risk po to you and your baby. Kailangan pong magpa 75-g OGTT 6-8 weeks after manganak para maconfirm na nagbalik na po sa normal ang blood sugar ninyo. Ang mga may gestational diabetes ay may risk magkaroon ng type 2 diabetes pagkatapos manganak. More information po sa http://www.dokbru.endocrine-witch.net.
may pag asa po bang ma reverse ang pre diabetes?
Opo. May research po yung Diabetes Prevention Program na puwede po ito with lifestyle changes and also Metformin.